Ang 13th month may ay ang mandatory benefit na ibinibigay sa Pinoy Employee alinsunod sa Presidential Decree No. 851 na nire-require ang mga employers na ilaan ito sa lahat ng rank-and-file employees.

At dapat maunawaan na ang 13th month pay ay bukod pa sa mga bonuses, tulad ng Christmas Bonus, na maaari pang ibigay ng isang employer mula sa kanyang kagandahang-loob. Ang isang malaking pagkakaiba nito sa mga bonuses ay ang mismong mandato ng batas. Sa madaling salita, hinde pwedeng hindi ibigay ng employer ang 13th month pay.
Sinu-sino ang covered o entitled sa 13th month pay?
Lahat ng rank-and-file employees na nakapagbigay na ng serbisyo na di-bababa sa isang (1) buwan sa loob ng tinatawag na calendar year, ay may karapatang tumanggap ng 13th month pay maging anuman ang uri ng kanilang trabaho at maging anuman ang pamamaraan ng pagpapasweldo sa kanila.
Sinu-sino ang tinatawag na rank-and-file employees?
Lahat ng empleyado na hinde kabilang sa managerial employees ay masasabing rank-and-file employees. Ang isang managerial employee ay iyong binigyan ng awtoridad o prerogatives na maglagak at magpatakbo ng management policies kabilang na ang kapangyarihang na mag-hire, mag-transfer, mag-suspend, mag-lay-off, mag-recall, mag-discharge, mag-assign o magdisiplina ng mga empleyado, o ang awtoridad na mag-recommend ng mga ganoong managerial actions.
Mayroon bang mga employers na hindi kabilang sa pagbabayad ng 13th month pay?
Meron. Ang mga sumususnod na employers ay exempted ng batas sa pagbabayad ng 13th month pay ayon sa PD 851:
- Ang Gobyerno/pamahalaan at alinman sa kanyang political subdivisions, kabilang ang GOCC’s o government-owned and controlled corporations, maliban sa mga korporasyon na nago-operate bilang mga private subsidiaries ng pamahalaan
- Ang mga employers na naglalaan na sa kanyang mga empleyado ng 13th month pay o ng higit pa sa loob ng calendar year bago pa ang PD 851
- Ang mga employers ng mga persons in the personal service of another
- Ang mga employers noong mga nagtatrabaho at binabayaran sa pamamagitan ng purely commission, boundary, o task basis, at noong mga binabayaran ng fixed amount para sa specific work, gaano man kahaba o kaigsi ng oras at panahong ginugol sa trabaho. Hinde kabilang dito ang mga nagtatrabaho at binabayaran base sa piece-rate—sa ganitong pagkakataon, ang employer ay dapat magbigay ng required na 13th month pay.
Paano kino-compute ang 13th month pay?
Ang 13th month pay ay hindi dapat bumaba sa 1/12 ng kabuuang basic salary na kinita ng isang empleyado sa loob ng calendar year.
Ang maternity leave benefits ba ay kabilang sa computation ng 13th month pay?
Hindi. Ang maternity leave benefits ay hindi kasama sa pagko-compute ng 13th month pay. At para ipakita, ganito ang magiging computation kung ang isang babaeng empleyado na tumatanggap ng P10,000.00 buwanang sweldo ay sumailalim sa maternity leave mula May 1 to June 30:
- January – P10,000.00
- February – P10,000.00
- March – P10,000.00
- April – P10,000.00
- May – on maternity leave
- June – on maternity leave
- July – P10,000.00
- August – P10,000.00
- September – P10,000.00
- October – P10,000.00
- November – P10,000.00
- December – P10,000.00
Sa P100,000.00 na kabuang halaga na tinanggap nya sa calendar year, kukunin ang 1/12 nito. Samakatuwid pumapatak na P8,333.33 ang 13th month pay.
Anu-ano ang bumubuo sa tinatawag na basic salary?
Kabilang sa basic salary ang lahat ng kabayaran na ibinibigay ng employer sa isang empleyado para sa mga nailaan na serbisyo. Ngunit hindi kabilang ang mga allowances at iba pang monetary benefits na hindi itinuturing o hindi bahagi ng regular o basic salary, katulad ng cash equivalent ng hindi nagamit na vacation at sick leave credits, overtime, premium, night differential at holiday pay, at kasama na rin dito ang cost-of-living allowances.
Subalit, ang salary-related benefits na nabanggit ay magiging bahagi ng computation ng basic salary sa 13th month pay kung, sa individual o collective agreement, company practice o policy, ang mga nasabing benespisyo ay itinuturing na kasama sa basic salary ng mga empleyado.
Kailan dapat ibinibigay ang 13th month pay?
Hindi dapat lumampas ang pagbabayad nito ng December 24 kada taon. Ngunit ang isang employer ay maaaring magbigay ng kalahati ng 13th month pay bago ang pagbubukas ng regular school year at ang natirang kalahati ay sa araw o bago ang December 24 taon-taon.
Ang mga nag-resign ba o ang mga separated/terminated na empleyado ay entitled ba sa 13th month pay?
Oo. Ang isang empleyado na nag-resign o natanggalan ng trabaho bago ang panahon ng pagbabayad ng 13th month pay ay may karapatan pa din sa benepisyong ito.
Magkano ang 13th month pay ng isang resigned o separated/terminated employee?
Ang 13th month pay ng isang resigned o separated/terminated na empleyado ay dapat proportion sa haba ng serbisyong naitrabaho niya sa loob ng taon, buhat (a) simula nang siya ay magtrabaho sa loob ng calendar year o (b) sa panahong ang huling 13th month pay naibigay, hanggang sa panahon ng kaniyang resignation o separation/termination sa serbisyo.
Samakatuwid, kung ang isang empleyado ay nagtrabaho lamang mula January hanggang September, ang kanyang 13th month pay ay ang 1/12 ng kabuuang basic salary na kinita sa loob ng mga buwan na nabanggit.
Tax-Exempt ba ang 13th Month Pay?
Alinsunod po sa bagong batas na TRAIN LAW, hinde lahat ng 13th month pay exempted sa tax. Ayon sa batas na ito, hindi dapat patawan ng buwis ang 13th month pay at iba pang katumbas na benepisyo sa maximum na halagang P90,000.00
Ibig sabihin, anumang labis sa P90,000 ay dapat isama sa computation ng gross income ng isang empleyado para sa applicable taxable year.
Alamin ang Batas, Pinoy Employee!